Alvarez, tila 'tumiklop' sa mga patama ni Sara Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 11:42 PM

Muling bumanat si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio laban kay House Speaker Pantaleon Alvarez, kaugnay sa umano'y mga bintang nito laban sa kanya, at sa ama niyang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang dito ang umano'y pagkilos niyang mag-isa para itayo ang grupong Hugpong ng Pagbabago (HNP) na wala umanong basbas ng pangulo. 

Para sa alkalde, mas magiging matatag ang pamumuno ni Duterte kung wala sa puwesto si Alvarez.

"This country would be a better country if Alvarez is not speaker," ani Duterte-Carpio.

Sa pagtitipon ng 500 miyembro ng HNP sa Davao City, may buwelta uli ang alkalde sa House Speaker.

"Kasi sinabi niya, that I’m acting alone, and then second, sinabi niya that this HNP is a product of political dynasties," ani Duterte-Carpio.

"And then sinabi niya na HNP does not have the approval of the president. Therefore, everybody, kami lahat, is part of the opposition," dagdag ng alkalde.

Dagdag niya, nagalit siya kay Alvarez nang magsumbong ito kay Duterte kaugnay sa pagbuo ng political party.
    
Sinabihan pa umano ni Alvarez ang pangulo na huwag lagyan ni Duterte-Carpio ng kalaban si Alvarez sa ilalim ng HNP.
    
Iginiit din ni Duterte-Carpio na hindi nabuo ang HNP dahil sa awayan ng mga politiko sa Davao del Norte.

"Speaker Alvarez created his own problem in Davao del Norte. The best siguro that Speaker Alvarez can do is do not mention my name, do not speak about me, do not even think about me, even a whisper of my name on your lips," ani Duterte-Carpio.

Nang matanong kung may pagkakataon pang magkaayos sila ni Alvarez, sinabi ng alkalde na wala siyang problema kay Alvarez.
    
"Wala kaming problemang dalawa, siya may problema sa akin, but ako walang problema sa kaniya," sinabi ni Duterte-Carpio.    

Nasa Butuan si Alvarez para pangunahan ang oath-taking ng mga bagong miyembro ng PDP-Laban, at isulong ang pederalismo.
    
Tila umatras naman si Alvarez nang matanong sa mga buwelta ni Duterte-Carpio.

"No comment na ako diyan. Surrender. Huwag na nating pag-usapan 'yan," ani Alvarez.

Mariin ding itinanggi ni Alvarez na gusto niyang ipa-impeach ang pangulo.

"Hindi. Imposible kong sabihin yan. I never said that," ani Alvarez.

    
--Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.