ALAMIN: Paano tulungan ang batang nabubulunan?

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 04:50 PM | Updated as of Nov 07 2019 03:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posible para sa mga bata ang mabulunan lalo kung malalaki ang mga piraso ng pagkaing sinusubo nito o hindi pa ito sanay kumain ng mga solid food o matitigas na pagkain.

Ibinahagi ng emergency physician na si Dr. Charlie Gundran ang mga maaaring gawin kapag nagkaroon ng pagbara sa trachea o daanan ng hangin papunta sa baga. 

Ayon kay Gundran, karne at mani ang madalas na nagpapabara sa trachea.

"'Yong sausage, 'yong hotdog, actually 'yon 'yong common na nakakamatay. Sa bata, iyong mani, peanuts, nuts, kasi wala pa silang bagang. Hindi nila manguya, madurog nang maayos 'yung peanuts," aniya.

Mayroon umanong dalawang uri ng "choking."

Partial choking ang nangyayari kapag nakakapagsalita at nakahihinga pa ang nabubulunan habang complete choking naman ang kabaligtaran nito.

Para sa partial choking, pinakamabisang solusyon ang pag-ubo ng biktima.

"Kunyari nakikita nating kaya niyang huminga, kaya niyang umubo, encourage mo lang siya [na umubo]," ani Gundran.

Delikado, ani Gundran, ang pagpapainom ng tubig sa taong nabubulunan dahil maaari itong dumeretso sa baga.

Hampasin naman ang likod ng batang nabubulunan kung hindi na ito makahinga.

"Punta ka sa likod ng pasyente, ng bata, tapos medyo i-lean forward mo siya. Dadagukan mo 'yung likod niya," ani Gundran.

"Ang landmark mo is sa pagitan ng dalawang buto o shoulder blade, 'yung titirahin mo."

Maliban sa pagkain, delikado para sa mga bata ang mga maliliit na laruan.

"Ang bata kasi lahat ng maisusubo, titikman niya," ani Gundran.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.