ALAMIN: Mga trabaho sa Europa, Amerika na bukas para sa mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 10:55 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Maraming job openings sa iba't ibang bansa, mapa-Europa man o ilang bahagi ng Amerika, ayon sa isang malaking grupo ng mga recruitment agency.
    
Pero ayon sa Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI), puro highly skilled pa rin ang hanap sa mga bansang ito.
    
Ayon kay PASEI President Elsa Villa, pinaka-in demand ang mga medical personnel lalo sa mga bansang Germany, Austria, New Zealand, United Kingdom, at Japan. 
    
Tumataas din umano ang demand sa mga construction worker, partikular na sa United States territory na Guam, na magbibigay na ulit ng temporary work visa sa migrant workers.

"They will be building or renovating some hospitals there so malaki talaga ang project," ani Villa.

Kinumpirma rin ng PASEI ang mga oportunidad sa Czech Republic na nangangailangan ng mga tauhan sa hospitality industry at mga beauty spa, na nasa $800 ang suweldo.

Maganda rin daw ang mga oportunidad sa Mozambique at Nigeria.

"But again, highly-skilled [ang hanap]. These are mostly for oil and gas, drilling...Malalaki ang suweldo, mga $2,000 and in these countries, wala silang age discrimination kasi siyempre you need people with 10 years experience so maski 50 na 'yan tatanggapin nila 'yan," ani Villa.

Pero paalala ng PASEI, lahat ng job openings na ito ay mahigpit ang proseso ng application.
    
Kung interesadong mag-apply, alamin muna kung anu-ano ang requirements.

Ang mga bansa kasi gaya ng Austria at Germany, may six-month language training. 
    
Iba-iba rin ang patakaran sa placement fee; mayroon sa Czech Republic, at wala naman sa Nigeria, Mozambique, at Guam. 

Dahil experience ang labanan ay mahigpit sila sa mga dokumento. Kailangan ng iba't ibang klase ng certification base sa posisyong ina-apply-an.

Alternatibo para sa mga HSWs

Para naman sa mga OFW na piniling umuwi mula sa Kuwait, nangako si Labor Secretary Silvestre Bello III na hahanapan ang mga ito ng alternatibong trabaho. 

Nabanggit bilang alternatibong destinasyon ang mga bansang China at Russia, pero pag-amin niya, wala pang opening para sa mga household service workers (HSW) sa mga bansang ito.

"Wala pa tayong bilateral agreement sa Russia...In Russia there is no negotiation on-going, but in China there is," ani Bello.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.