3 batang babae, pinaghahanap matapos umanong malunod sa Pasig River

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 04:23 AM

Tatlong batang babae ang pinaghahanap Huwebes ng gabi matapos umanong malunod sa Pasig River.

Kuwento ng ina ng isa sa mga nawawalang bata, alas-3 ng hapon nang huli niyang makita ang anak.

Iniwanan umano niya ang kaniyang anak kasama ang 2 kaibigan na magkapatid para gumawa ng school project.

Pagbalik niya, wala na ang mga bata.

"Pinagsasabihan ko na 'wag muna gumala at may nangunguha ng bata diyan," aniya.

Hinala niya na nalunod ang anak kasama ang 2 nitong kaibigan.

Naiwang bakas ng mga bata ang mga tsinelas nila na natagpuan sa gilid ng ilog.

"Imposible namang gumala silang hindi naka-tsinelas. Hinanap ko na sa mga computeran, wala," aniya.

Tatlong diver mula sa Pasig Rescue ang sumisid para hanapin ang mga bata pero kinailangan nila itong itigil alas-10 p.m. dahil sa lakas ng agos sa ilalim ng ilog.

Nasa 25 talampakan ang lalim ng ilog kung saan hinihinalang nalunod ang mga bata.

Kuwento ni Arnel Iglesias, isang barangay tanod sa lugar, ilang beses na rin na may nalunod doon.

Nilalagyan naman daw ng harang ang tabing ilog para mapigilan ang mga tao na lumusong pero nasisira ito ng mga namimingwit doon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.