2 patay sa pananambang sa Los Baños

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 08:35 PM | Updated as of Nov 12 2019 03:50 PM

Watch more in iWantTFC

Dalawa ang patay sa pananambang ng hindi pa kilalang mga salarin sa Barangay Lalakay, Los Baños, Laguna nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Crispina Mendoza, 55, isang bookeeper, at Wilma Aguinaldo, 60, isang kalihim. Parehong empleyado ng isang resort sa Los Baños ang mga biktima. 

Base sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na sana ang dalawa lulan ng sasakyan ni Aguinaldo nang pagbabarilin ng dalawang lalaking naka-helmet at sakay ng motorsiklo.

Matapos mawalan ng malay si Aguinaldo, nabangga niya ang mga suspek at naipit ang sinasakyang motor sa pader kaya iniwan na lang nila ito para makatakas.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng kalibre .45 na baril. 

Naitakbo pa sa ospital ang dalawang biktima pero idineklarang dead on arrival si Mendoza samantalang nasawi si Aguinaldo habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen, pero tinitingnan ng mga pulis kung posibleng may kaugnayan ito sa pag-aahente sa lupa ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.