1 patay, 10 sugatan sa karambola ng 6 na sasakyan

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 11:55 AM

LA UNION – Isa ang patay habang 10 katao ang sugatan sa naganap na karambola ng anim na sasakyan, Biyernes ng umaga sa bayan ng Rosario sa La Union.

Nakilala ang nasawi na si Mark Anthony Locquiao, 25-anyos, ng Urdaneta, Pangasinan. Minamaneho ni Locquiao ang rumagasang 10-wheeler truck na may lamang pataba na naging sanhi ng karambola.

"Dahil curve dito loss brake ang initial findings natin dito," ani Chief Inspector Bernabe Oribello.

Nagtuloy-tuloy itong bumangga sa isang abandonadong bahay sa Barangay Udjao. Kasama sa karambola ang 2 bus, 2 tricycle at isa pang truck na may karga rin pataba.

“Nagulat ako, mabilis yung truck. Laking pasasalamat ko sa Diyos na walang nangyari sa amin," ayon kay Danny Tabafunda, driver ng isa pang truck. Bigla umanong bumilis ang takbo ng truck ni Locquiao na nasa likod nila.

Nawalan rin ng kuryente sa bahay nila Ian Maglaya nang sumalpok ang truck sa poste ng kuryente malapit sa bahay nila.

“Mabilis ang pangyayari, biglang um-overtake," ani Maglaya.

Dinala na sa Rosario District Hospital ang mga nasugatan sa karambola kabilang ang 9 katao mula sa dalawang bus at isang tricycle driver.

Ito raw ang unang pagkakataon na may nangyaring karambola sa barangay.

Pananagutin ng mga pulis ang empleyado ng nakabanggang 10-wheeler truck at pagbabayarin rin sa mga sirang natamo ng mga sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.