May person of interest na ang awtoridad kaugnay sa pamamaril kamakailan sa isang New Zealand national, sabi ngayong Miyerkoles ng hepe ng Makati police.
"So far mayroon tayong binabantayan. Continuous pa rin [ang] investigation natin and then nakakita tayo mga witness. Tuloy-tuloy [ang] pag-iimbestiga natin at manhunt sa person of interest," sabi ni Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati police.
Madaling araw ng Linggo nang barilin ng riding-in-tandem ang turistang si Nicholas Peter Stacey, 34, habang naglalakad sa Filmore Street, Barangay Palanan, kasama ang nobyang Pinoy.
Mariing kinondena ng Department of Tourism ang krimen.
Nakikipag-ugnayan na ang ahensiya kay Interior Secretary Benhur Abalos para sa paglutas ng kaso at pagkadakip ng mga salarin, ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.
Base sa travel advisory ng New Zealand, pinag-iingat nila sa krimen ang mga kababayan nilang pupunta sa Pilipinas.
Nangako naman si Maj. Gen. Jonnel Estomo, hepe ng National Capital Region Police Office, na masusing iimbestigahan ang kaso at tiniyak ang agarang pagkadakip ng mga salarin.
Patuloy umano ang komunikasyon ng Makati police sa pamilya ng biktima at embahada ng New Zealand para sa pag-uwi ng bangkay ni Stacey.
— Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.