Senador Jinggoy Estrada sa Senado, Nobyembre 2022. FILE/Bibo Nueva España, Senate PRIB
MAYNILA — Hayagang tinawag ni Sen. Jinggoy Estrada na mga “puting unggoy” ang mga tauhan ng International Criminal Court (ICC) na nagpaplanong ipagpatuloy ang imbestigasyon ukol sa drug war noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos na magpahayag ng suporta si Estrada sa naging privilege speech ni Sen. Robin Padilla na mariing tumututol sa planong imbestigasyon ng ICC.
Sabi ni Estrada, gumagana naman ang justice system sa bansa at walang rason para manghimasok pa ang mga dayuhan sa pag-iimbestiga sa sinasabing mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Naniniwala si Estrada na gaya ng una nang binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos, magiging panghihimasok sa “internal matters” ng bansa ang gagawing imbestigasyon ng ICC.
“In our country, justice system is still very active and in fact, even the incumbent president of our country said the investigation would be an intrusion to our internal matters and a threat to our sovereignty... Itong mga puting unggoy na ito, hindi na dapat papasukin dito sa ating bansa because that would be an exercise in futility,” sabi ni Estrada.
Sabi ni Estrada, kumpiyansa siya na hindi sumasablay ang Department of Justice sa kanilang pangunahing tungkulin na tiyaking gumagana ang rule of law sa bansa.
“I'm confident that the DOJ is not remised in its primary mission to uphold the rule of law. We should trust our justice system. Hindi tayo dapat magpa-uto, hindi tayo dapat sumunod kung ano mang instructions na ibibigay sa ating nitong mga dayuhang unggoy na ito,” dagdag pa ni Estrada.
Nauna nang naghain ng Senate Resolution 492 si Estrada kamakailan na nagpapahayag ng matinding pagtutol ng Senado sa sa planong pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Senate, senado, Jinggoy Estrada, ICC, war on drugs, nternational Criminal Court