PatrolPH

Truck nahulog sa bangin sa Quezon; 2 patay, 4 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2022 03:23 PM

Isang 6 wheeler truck ang nahulog sa bangin sa may Infanta, Quezon nitong Pebrero 22, 2022. Retrato mula sa Infanta Emergency Response Team
Isang 6 wheeler truck ang nahulog sa bangin sa may Infanta, Quezon nitong Pebrero 22, 2022. Retrato mula sa Infanta Emergency Response Team

Patay ang dalawang tao habang apat ang nasugatan matapos mahulog ang sinasakyan nilang 6-wheeler truck sa bangin sa Infanta, Quezon ngayong Martes, ayon sa pulisya.

Sabi ni Infanta Police chief Maj. Francis Aldrich Garcia, galing Calumpit, Bulacan ang truck at patungong Infanta nang mawalan ng kontrol ang driver.

Malakas umano ang ulan nang mahulog ang sasakyan, na may kargang mga bakal, sa bangin na may lalim na hanggang 30 metro.

Kinilala ang mga nasawi bilang sina Roberto Pelajic, 58, at Joseph Galang, 47. Si Pelajic ang driver ng truck.

Isinugod naman sa Claro M. Hospital ang mga nasugatan.

Nangyari ang aksidente halos isang linggo matapos mahulog din sa bangin ang isang pampasaherong jeep sa may Pagbilao, Quezon.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.