PatrolPH

P500-K halaga ng ilegal na droga nakumpiska sa Malabon, Valenzuela; 8 timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2021 03:52 PM

P500-K halaga ng ilegal na droga nakumpiska sa Malabon, Valenzuela; 8 timbog 1
Mga sachet ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa anti-illegal drug operation sa Malabon City. Retrato mula sa Northern Police District Public Information Office

MAYNILA — Aabot sa kalahating milyong pisong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa Malabon at Valenzuela, sabi ngayong Lunes ng Northern Police District (NPD).

Sa ulat ng NPD, unang nasakote ang 5 lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Longos, Malabon, kung saan target ang 40 anyos na si alyas "Rick."

Hinuli si "Rick" at ang 4 niyang kasamahan matapos umano nilang bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanila ang 80 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P544,000.

Sa Valenzuela City, 3 lalaki naman ang natimbog sa isang operasyon sa Barangay Marulas.

Watch more on iWantTFC

Pawang mga walang trabaho ang mga suspek kaya nagtutulak ng ilegal na droga sa lugar, ayon sa pulisya.

Nakuha sa mga suspek ang P34,000 halaga ng ilegal na droga.

Samantala, sa Maynila, aabot naman sa P340,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa buy-bust operation sa Malate district.

Nangyari ang operasyon sa Raja Sulayman Park, kung saan naaresto ang 25 anyos na target na si alyas "Boss," na sinasabing tulak ng droga sa lungsod.

Ayon sa Manila Police District, malakihan kung magbenta ng droga ang suspek.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

— Ulat nina Lyza Aquino at Lady Vicencio, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.