Mga imahen sa labas ng simbahan sa Legazpi City sinira

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2021 04:24 PM

Sinira ng hindi pa nakikilalang salarin ang ilang imahen sa labas ng Parish of St. Padre Pio sa Legazpi City, Albay. Karren Canon

Natagpuang sira ang mga imahen sa labas ng Parish of St. Padre Pio sa Legazpi City, Albay.

Kabilang dito ang imahen ng Our Lady of Salvation sa entrance ng parish, na nawalan ng kanang kamay. Wala na rin ang kaliwang kamay ng kasama nitong anghel.

Pinugutan din ang imahen na nasa baba ng Our Lady of Salvation.

Maging ang imahen ni St. Padre Pio ay nawalan ng mga daliri.

Ayon sa parish priest na si Fr. Bob Bañares, noong nakaraang linggo nila natuklasang sinira ang mga imahen.

May 3 taon pa lang sa simbahan ang mga imahen na ibinigay lang.

“Noong nakita [ko], para akong nanghina. May pagkagalit pero hindi mo naman nakita kung sino ang gumawa,” ani Bañares.

Hindi pa matukoy ng simbahan kung sino ang nasa likod ng pagsira ng mga imahen pero napansin umano nilang may mga taong grasang gumagala sa paligid ng parish bago ang pangyayari.

May naiulat din umanong mga sirang imahen sa Basilan matapos ang pangyayari.

Ipapaayos na lang umano ng simbahan ang mga nasirang imahe.

May kinuha na rin silang security guard na magbabantay sa simbahan.

– Ulat ni Karren Canon

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.