PatrolPH

8 sugatan sa pag-araro ng jeep sa mga motorsiklo sa Binondo

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2021 08:35 PM

8 sugatan sa pag-araro ng jeep sa mga motorsiklo sa Binondo 1
Ayon kay Kagawad Joel Sabado ng Bgy. 294, Binondo, mabilis ang takbo ng jeepney driver. Screengrab mula sa CCTV footage ng Bgy. 294

MAYNILA – Walo ang sugatan matapos araruhin ng isang pampasaherong jeepney ang mga nakahintong motorsiklo sa Recto Avenue corner Masangkay sa Binondo, Maynila nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, kita ang pagsalpok ng jeepney na minamaneho ni Jojit Santiago sa mga motorsiklo habang naghihintay na mag-go ang traffic light. 

Sa lakas ng impact, kitang tumilapon ang isa sa mga rider habang sabay-sabay na nagtumbahan ang mga katabi nito.

Ayon kay Kagawad Joel Sabado ng Bgy. 294, Binondo, mabilis ang takbo ng jeepney driver. 

"Nawalan daw po siya ng preno. Lumusot daw po ang preno niya. Pero base sa nakita namin, medyo mabilis yung takbo," ani Sabado. 

Nasa kustodiya na ngayon ng Manila Traffic Bureau si Santiago.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. 


–Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.