SUV tumagilid matapos banggain sa QC

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 09:54 AM

MAYNILA - Tumagilid ang isang SUV sa kanto ng Scout Borromeo at Scout Tuazon sa Barangay South Triangle, Quezon City matapos makabanggaan ang isa pang sasakyan, Sabado ng madaling araw.

Hindi makapaniwala ang motoristang si Ramon Oreta na wala siyang natamong sugat o pilay nang tumagilid ang kaniyang sasakyan.

Kuwento niya, pauwi na sana siya sa bahay nang bigla umano siyang banggain ng isang mabilis na SUV.

“Galing ako ng Caloocan pauwi na tapos diretso ako dito siyempre dahan-dahan. Nadinig ko nag-brake siya, nag-screech ang tires tapos tumagilid na'ko. Nakita ko siya pabangga sa akin. Naka-seatbelt ako,” sabi ni Oreta.

Nakalabas si Oreta sa bintana ng kaniyang sasakyan. Wala ring natamong sugat ang nakabanggaan.

“Tinulungan nila ako sa side doon. Nakausap ko ang driver...Hopefully insured. Ito ang right of way. Dapat proceed sila with caution,” dagdag niya.

Hindi na nagsalita ang nagmamaneho ng isa pang SUV. Tumanggi rin siyang humarap sa camera. 

Sumaklolo ang emergency responders mula sa Barangay South Triangle. Nahila rin paangat ang tumagilid na SUV.

Ayon sa mga nasangkot na motorista, pag-uusapan na lang nila ang insidente at hindi na magsasampa ng reklamo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.