Pinakaunang OFW hospital itatayo sa San Fernando City, Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 05:13 PM

MAYNILA — Nakatakda nang simulan ang pagtatayo ng tinaguriang pinakaunang ospital na pangunahing pagseserbisyuhan ang mga overseas Filipino worker (OFW).

Itatayo sa 2 ektaryang lupain sa Barangay Sindalan, San Fernando City, Pampanga ang naturang pagamutan.

Katuwang ng Department of Labor and Employment sa proyekto ang Department of Health, lokal na pamahalaan ng Pampanga, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at ilang private donors.

Sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, pagbibigay-pugay ito sa kabayanihan at ambag sa ekonomiya ng mga manggagawang Pinoy na nakikipagsapalaran abroad.

"This hospital is going to be built to recognize the heroism of our OFWs who continue to power economic growth in the country. It’s a fitting tribute to Filipino workers who, through their valuable remittances, have kept the economy afloat during many challenging times," ani Bello sa pahayag.

Kapag operational na, magbibigay ng libreng serbisyo ang ospital para sa medical certificates, laboratory exams, at iba pang rekisito na kailangan para sa deployment ng OFWs.

Inaasahang matatapos ang pagpapatayo sa ospital sa Mayo 2021.

—May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.