Construction worker tiklo sa pambubugbog, pagpatay sa misis

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 05:17 AM

ZAMBOANGA DEL NORTE – Arestado ang isang 34 anyos na construction worker matapos mapatay sa pambubogbog umano ang kanyang misis Huwebes ng gabi sa Barangay Ilaya, Dapitan City.

Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng tawag mula sa ospital kung saan dinala ng suspek ang kanyang misis para ipagamot.
Sa imbestigasyon, lasing ang suspek at binugbog ang biktima nang mag-away sila.

“Sabi ng 13 years old na babaeng anak nila binugbog daw ng kanyang tatay ‘yong ina nila, pagdating sa ospital dead on arrival na,” ani Police Cpl. Gwen Acorin, imbestigador ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Dapitan City Police Station.

Nagalit ang suspek sa kanyang misis nang hindi na umano ito nakabalik matapos utusang bumili ng suka na gagamitin sana sa pagluluto ng kanilang ulam sa hapunan.

Inamin din ng suspek na nasaktan niya ang kanyang misis pero giniit niya na hindi niya ito pinatay.

Naitalang ika-11 na kaso na ito ng violence against women and children mula Enero sa Dapitan.

Sasampahan ng kasong parricide ang suspek.-Ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.