TINGNAN: Shabu itinago sa loob ng tinapay para sa preso

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 08:30 AM

POLICE STATION 4, GSCPO

GENERAL SANTOS CITY - Arestado ang isang babae nitong Huwebes matapos mahulihan ng 2 sachet ng hinihinalang shabu na ibibigay sana sa isang inmate na nakakulong sa presinto ng pulis.

Batay sa imbestigasyon, may dalang plastic bag na may grocery items at isang pack ng loaf bread ang babae. Pero napansin ng desk officer na nabuksan na ang balot ng tinapay. 

Nang usisain nila ito, tumambad ang 2 sachet ng hinihinalang shabu na ipinalaman sa tinapay.

Depensa ng misis, pinakiusapan umano sya ng isang tricycle driver na ihatid ang plastic bag na may lamang pagkain sa istasyon ng pulis at ibigay ito sa presong si alyas "Gang-Gang" na nakakulong sa selda.

Kinumpirma ni Capt. Davis Dulawan na may nakakulong nga doong "Gang-Gang" (totoong pangalan Philip Lo) na may kasong selling of dangerous drugs na nahuli noong Enero. 

Itinanggi ni Lo na nagpahatid siya ng grocery items at tinapay sa selda.

Ayon sa chief of police ng presinto, anuman ang alegasyon ng babae, sasampahan pa rin nila ito ng kasong possession of dangerous drugs at sa korte na lang umano ito magpakita ng mga patunay na inosente siya.

Samantala, arestado naman sa ikinasang buy bust operation ng Regional Drug Enforcement Unit ng Region 12 ang isang umano'y big time pusher.

Nabilihan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang target at nang kapkapan, narekober sa kanya ang P500 na marked money at 14 na iba pang sachets ng hinihinalang shabu na nakalagay sa pack ng sigarilyo.

Ayon sa deputy chief ng RPDEU 12 na si Police Lieutenant Cyrus Vince Arro, ikinanta ng dati na nilang nahuling drug suspect ang target nila kaya nahuli nila agad ito.

Nakatakdang sampahan ng kasong selling at possession of dangerous drugs ang target.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.