Tindahan, bodega inararo ng SUV sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 01:42 AM

ZAMBOANGA CITY - Nawasak ang isang tindahan at bodega matapos araruhin ng SUV sa Barangay Manicahan, Zamboanga City Huwebes ng gabi.

Hindi naman nasugatan ang drayber ng SUV na si Adrian Noquera, 21 anyos, isang graduating college student.

Ayon kay Noquera, galing siya sa kaniyang kamag-anak sa Barangay Bolong at pauwi na sana siya sa kanilang bahay sa Barangay Lumbangan nang mangyari ang aksidente.

Dumikit umano ang preno ng sasakyan at tumigas din ang manibela nito. Nawalan na nang kontrol si Noquera sa SUV hanggang sa nabangga ito.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagkayupi-yupi ang ilang bahagi ng SUV.

Wala namang nasaktan sa aksidente dahil wala ng tao sa tindahan at bodega nang mangyari ito. Pero ikinalulungkot ng may-ari ng tindahan na si Rolando Toribio dahil namatay sa aksidente ang kaniyang alagang aso.

Nadamay rin ang kaniyang motorsiklo at nasira ang kaniyang mga paninda na aabot umano sa higit P20,000 ang halaga.

Ayon naman sa pulisya, pinsan ni Noquera ang may-ari ng SUV.

Nagulat ito nang malamang naaksidente si Noquera sakay ng kaniyang sasakyan dahil hindi naman ito nagpaalam sa kaniya.

Sa ngayon, nakikipag-usap pa ang may-ari ng SUV sa mga naapektuhan sa aksidente kung magkano ang dapat bayaran sa naging pinsala nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.