P6 milyong halaga ng droga nasamsam sa Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 09:55 PM

Nasamsam ang P6.8 milyong halaga ng hinihinalang droga sa bayan ng Wao, Lanao del Sur nitong Huwebes.

Nakuha ang 10 malaking pakete ng droga mula kay Amrodin Alan Bantog alyas Amroden Skak Bantog, Said Macaramoay Gandawali at Datu.

“He is a high value target for being a member of a local armed group. Nag-ooperate siya hanggang North Cotabato," ani Jo Mary, tagapasalita ng PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Nangyari yung operation malapit sa school pero hindi siya doon nagbebenta kasi malakihan ang transaction niya," dagdag niya.

Samantala, arestado noong Miyerkoles sa hiwalay na operasyon sa Cotabato City ang dalawang umano'y miyembro ng drug group.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Tolombai Abid Macmod, na umano'y empleyado ng gobyerno, at si Nasrudin Nasa na ayon sa PDEA ay miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Nakumpiska sa operasyon ang 46 pakete ng hinihinalang shabu, tatlong cellphone, isang kalibre .45 na baril, drug paraphernalia at iba pang mga dokumento.

Nakakulong ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kakasuhan din ng paglabag ng Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang mga suspek sa Cotabato.

--may ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.