Miyembro ng drug group patay, pulis sugatan sa buy-bust sa Imus

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 05:50 PM

Patay ang isang miyembro umano ng drug group at sugatan naman ang isang pulis sa buy-bust operation na ikinasa sa Imus City, Cavite nitong Biyernes ng madaling araw. 

Puwersahang pinasok ng mga pulis ang bahay ng target na si Johnson Garcia pero sa pagpasok ng mga awtoridad ay agad na nagpaputok ang suspek na nagtago pala sa itaas ng hagdan.

"Tumakbo siya sa bahay nang nalaman niya na pulis ang katransaksiyon niya kaya nagkaroon ng hot pursuit operation hanggang sa makarating sa bahay. Nagsarado siya," ani Superintendent Junar Alamo, hepe ng Imus City police. 

Itinakbo pa sa ospital ang suspek pero binawian din ng buhay.

Sugatan naman si PO1 Raymark Balmes nang madaplisan ng bala sa batok at balikat.

"Pinapasuko namin siya, hindi talaga siya papahuli nang buhay. Kasi 'yung kalibre .38 nakapag-reload pa siya," sabi ni Alamo. 

Ayon sa Calabarzon police, miyembro ng Manesca drug group ang napatay na suspek. 

"Ang pinuno nito ay si Benjo Manesca at mayroon na silang mga miyembro. Dalawa na sa grupong ito ay nahuli natin, sina Ian Kennedy Ilano at si Jewel Manesca," paliwanag ni Chief Superintendent Edward Carranza, regional director ng Calabarzon police.

Apat na lang na miyembro ng grupo ang tinututugis ng mga pulis.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.