Libo-libo tinangay ng 'illegal recruiter' sa 20 nais mag-OFW

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 05:15 PM

Ayon sa mga biktima, nagbayad na sila ng higit P20,000 na placement fee pero tinaguan na sila ng suspek. Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Nagpasaklolo sa Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Biyernes ang mahigit 20 katao na nabiktima ng umano'y illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho sa social media.

Ayon sa mga biktima, nakilala nila ang recruiter na si Cindy Cabalhin Lapura sa Facebook at pinangakuan sila ng trabaho sa Palau, China at New Zealand. 

Nagbayad na sila ng hinihinging P20,000 pataas na placement fee pero tinaguan na sila ng suspek. 

Galing pa ng Basilan, Compostela Valley, Davao, Tarlac, Isabela, at iba pang lalawigan ang mga biktima. 

Ilan sa kanila ay nagsangla pa ng ari-arian may maipambayad lang. 

"Nagsangla po ako ng lupa, 20,000 lang po, kasi nagmamadali po siya na paluwasin po ako sa Maynila," ayon sa isang biktima. 

Pinaghahanap na ngayon ng Philippine Overseas Employment Administration si Lapura, na ayon sa kanilang mga rekord ay hindi awtorisadong recruiter. 

“Itong kaso na to we'll classify as large scale illegal recruitment 
Marami rin po kasing recruitment sa Facebook na nagiging scam... Ginagamit 'yung pangalan ng mga legal na ahensiya," ani POEA director Atty. Celso Hernandez. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.