Higit 50 endangered reptiles na 'ipinuslit' mula Thailand, nasabat ng NAIA

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 05:35 PM | Updated as of Feb 22 2019 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

Nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mahigit 50 endangered reptiles na itinago umano sa mga itim na medyas. 

Ipinresenta ng Bureau of Customs (BOC) ngayong Biyernes ang mga nasabat na endangered reptiles sa isang press conference. 

Kaakibat nito ay inaresto ang pasaherong si Neil Ryan Dysoco, na itinuturong may dala ng bagaheng pinagtaguan ng hayop. 

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, galing Bangkok, Thailand si Dysoco at lumapag sa NAIA Terminal 2 bitbit ang kaniyang maleta na naglalaman umano ng mga butiki. 

Nang dumaan sa x-ray ang kaniyang bagahe dito na nakita ng mga kawani ng Bureau of Customs ng eroplano ang mga imahe ng mga butiki sa loob ng bag nito. 

Watch more in iWantTFC

 

Naglalaman daw ng 56 na iguana, bearded dragon at chameleon na ibinalot sa loob ng mga medyas. Anim dito ang namatay na nang makumpiska. 

Aminado raw ang suspek sa kaniyang ginawa at sinabing ibinebenta niya ito sa social media. 

Ibibigay ng mga awtoridad ang mga butiki sa DENR para i-quarantine at makikipag-ugnayan sa environment department ng Thailand para posibleng ibalik ang mga hayop. 

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation Act si Dysoco na may pagkakakulong na maaaring umabot sa apat na taon at multang aabot ng P1 milyon. 

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.