Hepe ng maritime police sa Cavite sinibak sa 'pangingikil' sa mga mangingisda

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 05:04 PM | Updated as of Feb 22 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinibak ang hepe ng Cavite maritime police station dahil sa reklamong pangingikil umano ng pera sa mga mangingisda sa Barangay Julugan 5, Tanza, Cavite ngayong Biyernes.

Sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force at Intelligence Group, nahuli umanong tumatanggap ng marked money si Superintendent Armandy Dimabuyo, hepe ng 402nd Cavite Maritime police station.

Batay sa reklamo ng isang asosasyon ng mga mangingisda sa lugar, naniningil umano si Dimabuyo ng P1,000 kada bangka tuwing kinsenas at katapusan ng buwan bilang “protection money” o pambayad para hindi sila hulihin.

Aabot daw sa P19,000 hanggang P20,000 ang nakukuhang pera ni Dimabuyo sa asosasyon kada buwan.

Depensa ni Dimabuyo na hindi siya humihingi ng protection money at regular umano ang kanilang panghuhuli sa mga mangingisda na namimingwit sa loob ng mga ipinagbabawal na lugar.
 
"Walang protection money, at talagang monthly nag-o-operate kami," aniya.

Sasampahan ng reklamong robbery extortion at grave misconduct si Dimabuyo. Kaakibat nito ay sinibak din ang 12 pang tauhan ng Cavite maritime police station.

--Ulat nina Zhander Cayabyab at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.