Bangkay ng 2 lalaki natagpuan sa gitna ng kalsada sa Cebu

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 04:38 PM

Nadiskubre ng isang habal-habal driver ang dalawang bangkay sa gitna ng kalsada sa Barangay Maghaway sa Talisay City. Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

TALISAY CITY, Cebu – Dalawang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa gitna ng kalsada sa Sitio Ibabao, Barangay Maghaway sa lungsod na ito, madaling araw ng Biyernes.

Isa sa mga ito ay nakilalang si Gabby Sabalones Gabinas, base sa driver’s license na nakita sa kaniyang bangkay. Wala pang pagkakakilanlan ang isang biktima.

Hinihinalang biktima ng summary execution ang mga ito dahil nakagapos ang isang lalaki habang nakapiring naman ang mga mata ng isa pa.

Isa umanong habal-habal driver ang nag-report sa barangay hinggil sa nakitang mga bangkay sa kalsada.

Liblib at tahimik ang lugar kaya walang nakakita sa mga salarin. Bago matagpuan ang mga ito, sunod-sunod na putok ng baril ang narinig ng mga residente. 

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril at ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.