Van na umano'y ginagamit sa pangingidnap, pinabulaanan ng may-ari

Mariz Lacsamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 08:52 PM

Pinabulaanan ng isang lalaki ang balitang ginagamit umano ang kanyang van sa pagdukot ng mga bata sa Laguna.

Nabulabog ang pribadong pamumuhay ni Esver Eustaquio, 36 taong gulang, nang kumalat sa social media ang larawan ng kanyang van na hindi umano'y responsable sa pagdukot ng mga bata.

Ikinagulat niya ang pagsita sa kanya ng mga pulis habang nagpapahinga sa loob ng van sa may Pila, Laguna nitong Miyerkoles.

"Nagpunta po sila sa van ko, in-open, tinanong nila ako kung anong ginagawa ko doon. Sabi ko nagpapahinga lang ako doon. Tapos anong ginagawa mo, bakit ka nandito, sabi ko nagde-deliver po ako. Anong dine-deliver mo, sabi ko lambanog," ani Eustaquio.

Paglilinaw niya, walang katotohanan ang mga kumalat na litrato ng kanyang van.

Dagdag pa niya, negosyo niya ang pagde-deliver ng lambanog kaya nag-iikot siya sa lugar para hanapin ang mga pagdadalhang tindahan.

Nilinaw rin niya ito sa mga opisyal ng barangay at pulis.

"Siguro twice pa lang ako nakakapunta dun sa lugar ng Barangay Linga. So, ang nangyari, umiikot-ikot po talaga ako. Hindi ko po makita kasi yung lugar na pinagpuntahan ko," dagdag pa ni Eustaquio.

Ayon kay Eustaquio, matinding trauma ang naidulot ng pagkalat ng larawan ng kanyang van sa kanyang negosyo at pamilya.

Pakiusap niya, maghinay-hinay sa pagpapakalat ng mga retrato at impormasyon sa social media.

Hanggang nitong Huwebes, sunud-sunod ang pagsagot ni Eustaquio sa tawag ng media para linawin ang kanyang pangalan.

Nanawagan rin siya sa mga nag-upload ng retrato na burahin na ito para matuldukan na ang isyu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.