Snatcher ng cellphone sa Maynila, nakorner, ginulpi ng taumbayan

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 06:56 PM | Updated as of Feb 22 2018 11:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinagsusuntok at kinaladkad ang isang snatcher nang makorner ito ng mga tumulong na saksi matapos tangkaing itakbo ang ninakaw na cellphone sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkoles. 

Makikita pa sa CCTV ng Barangay 460 kung paano naabutan ng mga concerned citizen ang 29 anyos na suspek sa kanto ng Yuseco street at Oroqueta street. 

Inabot pa ng suspek ang ninakaw niyang cellphone sa mga nakamotorsiklong humahabol sa kaniya at sinubukang tumakas ngunit hinawakan na siya ng isang lalaki. 

Dito na siya sinapak at hinila papalapit sa isang tricycle. Sinuntok ulit ito dahilan para mapaupo sa kalsada. Kinaladkad siya at isinakay sa tricycle.

Ilang segundo pa ay dumating na ang biktima at sumama sa pinagsakyan sa suspek.

Matapos ang insidente, bakas pa sa mukha ang mga sugat na dulot ng bugbog ng mga tao. Duguan ang mata nito at may gasgas rin sa binti. 

Ayaw naman ng suspek magsalita kung bakit niya nagawang magnakaw. 

Kuwento ng biktima, naglalakad siya patungo sa mall at ka-chat ang boyfriend nang biglang hinablot ng suspek ang cellphone mula sa likod.

"Bakit hindi ka na lang magtrabaho, Kuya? Ang laki-laki mo, hindi ka dapat nagnanakaw," anang biktima sa suspek.

Nabawi ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P8,000 at kakasuhan naman ang suspek ng robbery-snatching. --Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.