SAPUL SA CCTV: Pagnanakaw sa 3 establisimyento sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 09:19 PM | Updated as of Oct 04 2018 06:32 PM

Tatlong magkakalapit na establisimyento sa Sampaloc, Maynila ang pinagnakawan at nabiktima ng akyat-bahay sa loob ng dalawang linggo. 

Nag-iiyak sa police station ang 50 taong gulang na si Oscar Reyes nang maaresto sa labas ng isang convenience store sa Sampaloc.

Sa kuha ng CCTV nitong Pebrero 15, kita ang pagpasok ni Reyes sa isang tindahan.
    
Kinuha ng suspek ang mga imported canned goods na tig-P200 bawat isa.
    
Ayon sa suspek, tumutulong lang ito sa dialysis ng kaniyang ina.

Pero hindi umubra sa mga pulis ang kaniyang dahilan.

"Galing siyang Pampanga, imposible naman na makakarating siya rito na wala siyang pera," ani PO1 Danilo Kabigting ng Sampaloc police.
 
Kinasuhan na ng theft si Reyes.
    
Sa Sampaloc pa rin, nakuhanan din ng CCTV nitong Martes ng madaling araw ang dalawang lalaki na naglalakad sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard.
    
Pumasok ang mga suspek sa gate ng isang apartment.
    
Tulog na noon ang limang nangungupahan.
    
Makalipas ang halos 10 minuto, lumabas na ng apartment ang dalawa na bitbit ang isang maliit na backpack.
    
Nang magising ang mga biktima, nadiskubre nila na basag na ang salamin ng kanilang bintana, at wala na rin ang kanilang mga cellphone.

Sa katabing tindahan naman ng apartment, nilimas din ng mga kawatan ang kakaunting kinita nito.

"Wala po silang patawad, pati barya inubos,” ani Renz dela Cruz.

Patuloy ang follow-up operation ng Sampaloc police sa mga suspek.
    
--Ulat ni Zyann Ambrosio , ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.