Rebel returnees, sasailalim sa integration program ng gubyerno

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 07:43 PM

Sumailalim sa integration program ng gubyerno ang 7 dating rebelde at 44 base supporters nito para sa kanilang pagbabagong buhay. Photo courtesy of the 9th Infantry Division, Philippine Army

MILAGROS, Masbate - Mula sa patago at armadong pakikipaglaban sa kabundukan, umaasa ang pitong rebeldeng New People's Army (NPA) at 44 pang base supporters nito mula sa probinsya ng Masbate na tuluyan nang magiging tahimik at produktibo ang kanilang pamumuhay.

Lunes nang iniharap sila sa komite ng programang Comprehensive Local Integration Program o CLIP ng gubyerno. 

Ginawa ang seremonya sa headquarters ng 2nd Infantry Battalion sa Barangay Bacolod bayan ng Milagros.

Sa harap ng local government unit ng Masbate, Philippine National Police, Department of Interior and Local Government, Department of Social Welfare and Development at ni Major General Jesus Manangquil ng 9th Infantry Division, isinuko rin nila ang kanilang mga armas gaya ng M16, caliber. 45 pistol, Garand rifle, at caliber .38 revolver.

Sila ay mga dating kasama ng kilusang sangay sa platoon, larangan 1, Komiteng Probinsya 4 ng Bicol Regional Party Committee ng New People’s Army.

Noong nakaraang buwan, sinimulan na ang pagsasagawa ng half-way house sa Camp Bonny Serrano, Masbate City.

Halagang P5 na proyekto ito para sa proseso ng pagbabagong buhay ng mga sumukong rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.