OFW na comatose sa Kuwait, di pa rin tiyak ang pagkakakilanlan

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 10:22 PM | Updated as of Feb 22 2018 10:42 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nabuhayan ng loob si Romy Salazar nang makita sa telebisyon at mag-viral sa social media ang kalagayan ng taong inaakala niyang kaniyang partner na umano'y "comatose" sa Kuwait.

Pero magkakaibang impormasyong kasi ang natatanggap ni Salazar tungkol sa kinakasamang si Norisa Manambit, na nagtatrabaho sa Saudi Arabia. 

Ang inisyal na impormasyon na si Manambit ang natagpuang OFW ay nanggaling mismo sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Labor and Employment (DOLE).

"Ang nangyari ay galing siya sa Dammam, Saudi Arabia, mukhang tumawid sa border and ended up in a Kuwaiti hospital," ani OWWA Administrator Hans Cacdac sa isang panayam. 

Kuwento ni Salazar, June 2017 nang mangibang bansa si Manambit para magtrabaho sa Dammam, Saudi Arabia bilang household service worker (HSW).

Sa loob ng walong buwan, pinagmalupitan umano ng amo si Manambit.
    
Huli silang nagkausap nitong Enero pero matapos ito, nalaman na lang ng pamilya mula sa kasamahan ni Manambit na binugbog at ipinakulong siya ng kaniyang amo nang mahuling gumamit ng cellphone.
    
Pebrero 12 naman ay nag-viral sa social media ang larawan at video ng OFW na hinihinalang si Manambit.
    
In-upload ng isang nurse ang video, kung saan makikitang comatose ang OFW sa ospital sa Kuwait.

"Talagang naguguluhan kami. Hindi namin alam kung buhay o patay na...Humihingi ako ng tulong na sana malaman kung patay o buhay pa," ani Salazar.

Nitong Miyerkoles, personal na kinausap ng OWWA-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pamilya ni Manambit.

Tiniyak ng ahensiya na nakikipag-ugnayan na sila sa Public Employment Service Office ng Kuwait at Saudi Arabia para malaman ang tunay na kalagayan ng OFW. 

"[We will] find out kung sino 'yung babae na na-comatose sa hospital na nag-viral sa Kuwait," ani Amy Crisostomo, OWWA-ARMM administrator.

Apat ang anak nina Manambit at Salazar.
    
Pinili umanong magtrabaho ni Manambit bilang HSW para maiahon sa hirap ang pamilya.

"Sana matulungan kami ng Pangulo na mahanap talaga 'yung kung patay na...mapauwi 'yung asawa ko dito. Kung buhay pa, mapauwi din."

--Ulat ni Jasper Acosta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.