'Nagtatanggol sa human rights, inasinta ni Duterte, kaalyado': Amnesty Int'l

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 10:41 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Inasinta ni Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang mga kaalyado ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa bansa, ayon sa ulat ng Amnesty International (AI), isang grupong nagbabantay sa mga kalabisan at pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga mamamayan sa buong mundo.

Saad din ng taunang report ng AI na "The State of the World's Human Rights," libo-libo ang umano'y napapatay ng pulisya at iba pang armadong indibidwal sa pagpapatuloy ng kampanya kontra-droga ng gobyerno.

"Thousands of unlawful killings by police and other armed individuals continued as part of the government’s anti-drugs campaign. Human rights defenders critical of the campaign were singled out and targeted by the President and his allies," banggit ng isang talata sa report.

Ayon kay Jose Noel Olano, section director ng Amnesty International Philippines, iilang pamahalaan lang sa buong mundo ang naninindigan para sa human rights.

Aniya, ang mga lider na tulad nina Abdel Fattah el-Sisi ng Egypt, Nicolas Maduro ng Venezuela, Vladimir Putin ng Russia, Xi Jinping ng China, at si Duterte ng Pilipinas, ay patuloy na lumalabag sa karapatan ng milyon-milyong mamamayan.

"We have few governments standing up for human rights in these disturbing times. Instead, leaders such as el Sisi of Egypt, President Duterte of the Philippines, Maduro of Venezuela, Putin of Russia, Trump of the United States and Xi of China are callously undermining the rights of millions," ani Olano. 

'CRIMES AGAINST HUMANITY'

Ayon pa kay Olano, tila planado, organisado, at may pahintulot ng mga awtoridad ang mga nangyayaring pagpatay na maaaring ituring na crimes against humanity.

Saad ng isang talata sa ulat ng AI: "The deliberate, unlawful, and widespread killings of thousands of alleged drug offenders appeared to be systematic, planned, organized, and encouraged by the authorities and may have constituted crimes against humanity."

Sabi ng Amnesty International, hanggang ngayon ay walang makabuluhang imbestigasyon na nakikita sa Pilipinas para sa mga pagpatay na ito. 

Pati mga kamag-anak ng mga biktima, natatakot umano na magsumbong.

"Meaningful investigations into killings of alleged drugs offenders failed to take place; no police officers were known to have been held to account. Relatives of victims continued to be fearful of reprisals if they filed complaints against police," banggit ng ulat.

Sinabi rin sa ulat ang tungkol sa sinapit ng 17 anyos na si Kian delos Santos na napatay sa operasyon ng pulis sa Caloocan noong nakaraang taon.

Saad ng ulat: "In September, the killings of three teenagers within a few weeks sparked a national outcry. CCTV footage and witness statements contradicted police accounts of the killing of one of the three, 17-year-old Kian delos Santos, who according to forensic experts and witnesses appeared to have been extrajudicially executed."

PAG-ATAKE SA MGA KRITIKO

Dagdag pa ng AI, lumalaganap na ang patuloy na pananakot at pag-atake sa media at mga personalidad na kritikal sa gobyerno.

"Journalists worked in dangerous and at times deadly environments... Attacks against human rights defenders increased, as the President encouraged police to “shoot” human rights defenders who were “obstructing justice,” banggit sa ulat.

"People have remained silent. Most people, although they feel that things are not right, they have chosen to be silent," ani Olano. 

[Nananahimik na lang ang mga tao kahit batid nilang may mga nangyayaring hindi tama.]

Tinukoy din ng grupo ang iba pang isyu na tila pinaplano sa Pilipinas na umano'y banta sa human rights, tulad ng death penalty, pagbaba sa siyam na taong gulang ng minimum criminal age o ang edad na puwedeng mapanagot sa batas ang isang bata, at ang nationwide martial law na minsan nang nilabanan ng mga Pilipino.

Inaantabayanan pa ang magiging tugon ng Malacañang ukol dito.

Pero nauna nang sinabi ni Duterte na kailangan niyang maging diktador upang maisaayos ang bansa. 

Lumabas ang ulat ng AI matapos lang lumabas din ang report ng U.S. intelligence community na nagsasabing banta si Duterte sa seguridad ng Amerika.

Ayon sa isang political analyst, babala ito ng Amerika na puwedeng alisin si Duterte.

Bumuwelta naman ang abogado ng pangulo na hindi banta sa demokrasya si Duterte, bagkus ay banta siya sa interes ng Amerika.

Nito rin lang Huwebes, sinabi ni Duterte na hindi na siya papayag na makibahagi ang tropang Pilipino sa mga giyera ng Amerika kontra ibang bansa.

-- May ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.