Korte Suprema, nagpaalala tungkol sa doktrinang 'Maria Clara'

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 12:37 AM | Updated as of Oct 04 2018 06:31 PM

Dekada 60s nang unang ipasok sa pagdedesisyon ng Korte Suprema ang doktrinang binansagang "Maria Clara" o "women's honor."

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinikilala nito ang bigat ng salaysay ng babaeng biktima ng panggagahasa dahil sa paniniwalang walang Pilipina ang aamin kung hindi ito totoong nangyari, lalo at puri niya ang nakataya.

Sa kasong iyon, nahatulan sa rape ni Herminigilda Domingo ang tatlong armadong magnanakaw.

Pero nitong Enero 17, nagbaba ng desisyon ang Korte Suprema na nagpawalang sala kina Juvy Amarela at Junard Racho, na unang nahatulang guilty ng isang mababang korte at Court of Appeals sa panggagahasa umano kay alyas "AAA," isang house maid sa Davao City noong 2009.

Binigyang diin ng unang hatol ang salaysay ng umano'y biktima.

Pero binaliktad ito ng Korte Suprema dahil panahon na raw na sa halip na mapako sa doktrinang "Maria Clara," mismong tibay ng salaysay, kasama ang iba pang ebidensiya, ang dapat maging batayan sa paghatol sa mga kasong rape.

"“[T]oday, we simply cannot be stuck to the Maria Clara stereotype of a demure and reserved Filipino woman. We, should stay away from such mindset and accept the realities of a woman's dynamic role in society today; she who has over the years transformed into a strong and confidently intelligent and beautiful person, willing to fight for her rights," sabi sa desisyon.

Nagbago na rin umano kasi ang panahon at maging ang mga Pilipina.

Hindi rin umano makatarungan ang doktrina sa isang akusado.

"(T)his misconception, particularly in this day and age, not only puts the accused at an unfair advantage, but creates a travesty of jusitce," sabi sa desisyon.

Ibig sabihin, hindi porke sinabi ng umano'y biktima ay paniniwalaan na. Tinitimbang din mismo ang katotohanan ng salaysay ng biktima.

Sa kaso kasi ni "AAA," sinabi ng Korte Suprema na may mga butas ang kaniyang salaysay at hindi kumbinsido ang hukuman na siya ay nagsasabi ng katotohanan.

"After a careful review of the records and a closer scrutiny of AAA's testimony, reasonable doubt lingers as we are not fully convinced that AAA was telling the truth," sabi sa desisyon.

Magkaiba kasi ang sinabi ng umano'y biktima sa sinumpaang salaysay sa aktuwal na salaysay niya sa korte, kaugnay sa kung saan siya pinagsamantalahan ni Amarela.

Hindi rin umano kapani-paniwalang naituro niya si Amarela dahil madilim noon at hindi naman niya ito kilala.

Maging ang medical findings ay hindi suportado ang mga paratang ng rape.

Mas pinaniniwalaan din ng Korte Suprema si Racho na sinabing hindi niya ginahasa si "AAA."

"Since we doubt AAA's account on how she was raped by Amarela, we have to consider her testimony against Racho under the same light," sabi sa desisyon.

BATIKOS

Umalma naman ang grupong Gabriela at sinabing tila umatras ang Kataas-taasang Hukuman sa pagtanggol sa karapatan ng mga kababaihan.

Dapat ay unawain nila na hindi madali para sa isang biktima ng rape na matandaan ang lahat ng detalye ng panghahalay.

"Can you imagine ang isang rape victim na ilang beses tinatanong? At ang paulit-ulit na ikukuwento niya, eh talagang 'yong trauma and all the reasons na siya ay malito," ani Rep. Emmi De Jesus ng Gabriela party-list.

Pinawi naman ng Department of Justice (DOJ) ang pangamba.

Ayon kay acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr., wala namang binago ang desisyon dahil dati nang panuntunan na dapat malinaw, kapani-paniwala, at hindi kaduda-duda ang salaysay ng mga biktima ng rape.

"Probably it only serves as a reminder to the courts or judges to be very careful in appreciating the facts and they must observe the manner and demeanor of the witness, especially the victim," ani Catalan.

Naniniwala si Catalan na hindi dagok sa karapatan ng mga kababaihan ang desisyon. 

Sa halip ay hamon umano ito sa DOJ na pagbutihin ang kanilang trabaho para mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng rape.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.