Drayber na nakuha sa Facebook, 'ipinasyal' ang sasakyan ng amo

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 08:58 PM | Updated as of Nov 05 2019 04:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang bagong pasok na family driver sa Pasay City matapos tangayin ang kotse ng kaniyang amo.

Nahuli ng Pasay police ang suspek na si Gary Bunag dahil sa pagtangay nito sa puting sports utility vehicle (SUV) ng kaniyang amo noong Pebrero 16. 

Ayon kay Senior Superintendent Noel Flores, hepe ng Pasay police, 10 araw pa lang sa trabaho ang suspek na nakuha ng amo sa pamamagitan ng Facebook.

Nakuhanan pa ng security camera ng basement ng condominium, kung saan nakaparada ang sasakyan, ang aktuwal na pag-carnap ni Bunag.

Nabawi ng pulisya ang sasakyan na sinasangla ng suspek sa social media sa halagang P500,000.

Aminado si Bunag sa kaniyang nagawa pero buwelta niya ay gusto lang niyang hiramin ang mamahaling sasakyan para mamasyal.

"Feeling mayaman ka kapag nandoon ka. Kahit gusgusin ka, 'pag sakay ka n'on, mayaman ang dating mo," sabi ni Bunag.

Nagbabala si Flores hinggil sa pagkuha ng mga empleyado sa internet.

"Hindi natin alam kung ano karakter talaga ng tao, dapat may referral 'yan, dapat may background investigation," ani Flores.

Kinasuhan ng carnapping at theft ang suspek.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.