DOLE, nagbigay ayuda sa mga magulang ng NCCC mall workers

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 12:13 PM

Binigyan ng livelihood assistance ng DOLE ang mga magulang ng apektadong mall employees ng nasunog na NCCC mall sa Davao City. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Ikinatuwa ng mga magulang ng mga dating empleyado sa nasunog na NCCC Mall ang ayudang natanggap nila bilang benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Malaki ang pasasalamat ni Ronilo Tajala dahil nabigyan siya ng hanapbuhay ng DOLE sa loob ng 30 araw. Ang anak ni Tajala ay dating sales clerk sa isang establisimyento sa nasunog na mall at kasalukuyang nagta-trabaho na sa isang money remittance company.

Ayon naman kay Fe Malawi, di naman sila nahihirapan sa trabaho dahil paglilinis lamang sa barangay, eskuwelahan at iba pang clean-up drive sa ibang komunidad ang kanilang ginagawa.

Ang anak naman niya ay dating sales clerk din sa mall.

Kabilang sina Malawi at Tajala sa 62 na mga benepisyaryo ng programa ng DOLE sa Barangay Matina Crossing.

Sila ay makakatanggap ng P340 na suweldo kada araw sa loob ng isang buwan.

Ang TUPAD program ay isang integrated livelihood assistance and emergency employment program ng DOLE. 

Nagbigay tulong ang DOLE sa mga magulang ng dating empleyado ng mall matapos itong masunog bago mag-Pasko noong Disyembre, kung saan 38 ang namatay

Noong Enero, binigyan din ng DOLE ng isang buwang trabaho ang may 2,925 na dating empleyado ng NCCC mall. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.