Dating ‘kristo’ sa sabungan, timbog sa drug bust

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 11:56 AM

STA. RITA, Pampanga – Timbog ang isang dating ‘kristo’ ng sabungan sa isinagawang buy-bust operation sa harap ng sementeryo sa Barangay San Jose dito sa bayan.

Sa custodial facility ng Sta. Rita Municipal Police Station nakakulong ngayon ang 59-anyos na suspek na hindi pinangalanan.

Nakuha mula sa kaniya ang 10 sachet ng hinihinilang shabu kasama ang P500 na marked money.

Ayon sa pulisya, nahuli pa sa "Oplan Tokhang" nitong Enero lang ang suspek pero sa pagmo-monitor ng awtoridad, tila hindi na ito tumigil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
 
Giit naman ng suspek, tumigil na siya sa paggamit ng droga nitong Disyembre matapos magkasakit sa puso.

Itinanggi rin nitong nagbebenta siya ng droga. Iniabot lang umano sa kaniya ang mga ito at di niya alam na droga na pala ang laman.

Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.