Bodyguard ng alkalde, arestado dahil sa umano'y di lisensiyadong baril

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 06:57 PM

Arestado ang bodyguard ng isang alkalde sa Ilocos Norte dahil sa pag-iingat ng umano’y hindi lisensiyadong baril sa Barangay San Marcos, Sarrat, Ilocos Norte Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, nagsasagawa ng dragnet operation ang pulisya dahil sa nangyaring pamamaril sa katabing bayan nang mapansin nila ang baril sa loob ng sasakyan ng suspek.

“Nakababa kasi 'yung window ng sasakyan niya at paglapit natin, binuksan niya 'yung ilaw sa loob at nakita natin 'yung baril sa passenger seat, nakakasa pa ito at ready to fire,” ani Chief Insp. Roldan Suitos, hepe ng Sarrat, Ilocos Norte Police.

“Tinanong natin kung mayroon siyang dokumento, wala siyang naipakita," dagdag pa niya.

Nakuha sa sasakyan ng suspek ang isang caliber .45, apat na magazine at 22 bala nito.

Ayon sa pulisya, nakausap na nila ang alkalde at kinumpirma nito na bodyguard niya ang nahuli.

“He acknowledged na bodyguard niya itong nahuli natin,” ani Suitos.

Bineberipika na ng pulisya kung mayroong lisensiya o dokumento ang baril.

“Pero 'pag hindi nakapangalan sa may hawak ng baril ay sasampahan pa rin natin siya ng kaso dahil sa batas, dapat nakapangalan 'yung permit to carry sa mismong nakahawak dito,” paliwanag ni Suitos.

Nahaharap ang body guard sa reklamong pag-iingat ng hindi lisensiyadong baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.