Bahagi ng EDSA, isasara sa Biyernes ng umaga

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 07:53 PM | Updated as of Nov 05 2019 04:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapatupad ng partial road closure sa EDSA northbound sa Biyernes ng umaga bilang bahagi ng paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng People Power Revolution.

Isasara ang dalawang outermost lane ng EDSA northbound mula Ortigas Avenue hanggang Santolan para bigyang daan ang rehearsal ng pagdiriwang ng anibersaryo, na idaraos sa Linggo.

Alas-6 ng umaga maglalatag ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng orange plastic barrier para sa rehearsal na magsisimula naman ng alas-8 ng umaga.

Inaasahang aabutin ng hanggang alas-10 ng umaga ang rehearsal at matapos iyon ay agad namang bubuksan ang mga sinarang lane.

Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na umiwas sa lugar dahil maaaring maapektuhan ang daloy ng trapiko sa northbound lane ng EDSA.

"There are only five lanes in EDSA so bawasan mo ng two lanes, that's already 40 percent of the total lanes that could be used along the northbound of EDSA," sabi ni Bong Nebrija, pinuno ng MMDA Task Force Special Operations Group.

"They need to do the rehearsal tomorrow so that there will be enough time to adjust just in case they need to adjust," ani Nebrija.

May alternatibong ruta namang binalangkas ang MMDA.

Mula EDSA, maaaring kumanan papuntang McKinley Road at tahakin ang C5 papunta sa patutunguhan.

Maaari rin umanong kumanan sa ibang entry points ng C5, kabilang ang Kalayaan Avenue, J.P. Rizal o Guadalupe Ilalim, Pioneer Street, Shaw Boulevard, at Julia Vargas Avenue.

Maaari ring umakyat ng Rockwell Flyover, kumaliwa sa Estrella, at baybayin ang Estralla-Pantaleon Bridge palabas ng Mandaluyong.

Pangungunahan ng National Historical Commission of the Philippines ang pagdiriwang sa anibersaryo ng makasaysayan at mapayapang pag-aaklas na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.

Sa initial schedule, nakatakdang dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaasahan din ang mga planong kilos-protesta ng mga aktibistang grupo at ibang sektor. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.