Away sa pag-iimis ng kinainan, nauwi sa barilan

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 06:33 PM

Nauwi sa pamamaril na ikinamatay ni Marcial Barid ang di pagkakaunawaan nila ng kaniyang katrabaho sa isang nursery dahil sa pag-iimis ng kinainan, Miyerkoles ng gabi sa Marcos, Ilocos Norte. Photo courtesy of Marcos, Ilocos Norte police

Patay ang isang 47-anyos na lalaki matapos barilin ng katrabaho dahil umano sa away hinggil sa paghuhugas ng kinainan, Miyerkoles ng gabi sa bayan ng Marcos, Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Marcial Barid na katrabaho ng suspek sa pagtatanim ng kahoy sa isang nursery sa Barangay Cacafean.

Bago naganap ang pamamaril, nag-inuman pa muna ang dalawa, ayon sa pulisya.

“Itong dalawa magkatrabaho at may sarili silang tent kasama mga pamilya nila dahil kinontrata sila ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) na magtanim," ani Insp. Kristian Lee Badua.

"Pagkatapos nilang mag-inuman parang nagrereklamo ang biktima dahil sa mga hugasin na hindi man lang hinugasan ito ng kaniyang mga anak, pero ang dinig ng suspek ay siya ang tinutukoy ng biktima,” dagdag niya.

Hinamon ng suspek si Barid. Pero pagtalikod ng biktima ay dito na siya binaril ng suspek. Agad namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril. 

“At large pa rin 'yung suspek pero identified na ito,” dagdag ni Badua.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang salarin na nahaharap sa reklamong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.