Ano ang dapat gawin kapag na-trap sa elevator?

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 03:22 PM

Hindi na bago para sa mga nagtatrabaho at naninirahan sa mga mataas na gusali ang paggamit ng elevator.

Pero may mga pagkakataon na ang mga pangkaraniwang sinasakyan ay maaari ring maging mapanganib sa buhay ng isang tao.

Watch more in iWant or TFC.tv

Disyembre noong nakaraang taon nang mabitag ang mga call center agent na sina Mel Balilo at Miko Flores sa tumigil na elevator sa isang gusali sa Ortigas Center.

Mag-aalas-5 ng madaling araw nang bumaba sina Balilo at Flores mula sa ika-34 palapag.

Habang pababa ay sumundo pa ang elevator nila ng limang iba pa hanggang sa bigla na lang itong tumigil.

"Akala namin ground na kasi nakalagay [sa floor indicator na] ground na. Hinintay naming bumukas, hindi bumukas," kuwento ni Flores.

Naisip na ng grupo sa loob ng elevator na makipag-ugnayan sa front desk ng kanilang gusali makalipas ang 15 minutong pananatili sa elevator.

"Tumatagal na rin tapos umiinit na," ani Flores.

"Nahirapan na kaming huminga," sabi naman ni Balilo.

Limang oras ang itinagal ng mga nabitag sa elevator at kinailangan pa ng emergency response team mula sa barangay para masagip sila.

 TIPS

Payo ni Melvin Villaruz, risk reduction management chairman ng Barangay San Antonio sa Pasig City, kapag nabitag sa elevator ay agad makipag-ugnayan sa maaaring magbigay ng saklolo.

Kung wala mang makausap mula sa pamunuan ng gusali ay dumulog sa mga emergency hotline number.

Sabi ni Villaruz ay maaaring buksan ang pinto o i-angat ang kisame para daluyan ng hangin ang loob ng elevator pero huwag munang lumabas nang walang gumagabay na rescuer.

"Ang problema talaga is napakaliit ng hangin," ani Villaruz.

Posible rin kasing maipit o makuryente ng mga kawad kapag tinangkang lumabas.

Sakaling makaramdam ng biglaang paggalaw sa elevator, manatiling kalmado, lumayo sa pintuan, at sumukot para maprotektahan ang sarili.

Mahalaga rin umanong mapanatili ang komunikasyon sa mga rescuer kaya dapat tipirin ang baterya ng cellphone.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.