ALAMIN: Karapatan ng buyer sakaling magka-aberya ang real estate developer

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 06:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa mga nakabili ng lupa o condominium unit, may mga karapatan na kailangang malaman para hindi masamantala ng developer o bangkong nagpautang.

Tinalakay sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Miyerkoles ang mga karapatan ng taong nakabili ng property.

Ayon kay Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) Commissioner Luis Paredes, karapatan ng isang buyer na makuha ang titulo ng lupa o condominium kung bayad na ito nang buo.

"Ang rule diyan is 'yung karapatan ng buyer na kunwari fully-paid na niya yung [condo], hindi puwedeng i-withhold 'yung pag-isyu ng titulo sa kaniya," ani Paredes. 

"Even 'yung bank na hindi niya naman ka-kontrata dahil siya ay nag-mortgage... Obligasyon ng bangko na 'pag 'yan ay fully-paid, to release the title, tapos habulin na lang ng bangko 'yung developer," dagdag ni Paredes.

Kung nakasangla naman ang lupa sa developer, karapatan pa rin umano ng buyer na makuha ang titulo kung nabayaran na nang buo ang halaga.

Kailangan din umanong aprubado ng HLURB ang pagsasangla ng lupain o condominium unit, ayon kay Paredes.

"Kailangan may approval ng HLURB 'yan... ibig sabihin, hindi puwedeng i-mortgage ng developer unless approved ng HLURB, kasi ire-require namin 'yung bangko or 'yung mortgagee to execute an undertaking na ire-release niya 'yung title 'pag fully-paid na yung unit," aniya.

Samantala, may karapatan din umano ang mamimili kung hindi tumupad sa pangako ang developer.

"May dalawang right ang buyer in case na may non-development ang problema. Ang unang right niya is of course, to stop payment kung mayroon pa siyang utang sa amortization. 'Yung pangalawang karapatan niya is to get a full refund," sinabi ni Paredes.

Kung pinili ng isang buyer na itigil muna ang pagbabayad, pinipilit umano ng HLURB ang developer na tumupad sa mga pangako na nakalagay sa kontrata, brochure, o e-mail, ayon kay Paredes.

"'Yan ay part of the contract, so they must comply with that," aniya.