PatrolPH

ALAMIN: App na tutulong sa commuters maghanap ng alternatibong ruta

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 07:09 PM | Updated as of Feb 22 2018 09:05 PM

Watch more on iWantTFC

Karaniwan na lang ngayon ang mga kuwento ng hirap sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan para lang makabiyahe palibot ng Metro Manila. 

Karaniwan kasing sasalubong sa mga commuters ang mabagal na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada, aberya sa MRT, at hulihan ng mga mausok at bulok na jeep.

Kaya kung may Waze para sa mga kotse, ang mga pasahero naman ay maaaring gumamit ng smartphone app na Sakay.ph.

 

Sa paggamit ng app, i-set ang lugar na panggagalingan at patutunguhan. Mayroon opsiyon para itakda ang oras ng biyahe.

Dito ipapakita ng app ang mga rutang posibleng daanan gamit ang iba't ibang uri ng transportasyon. 

Mayroong impormasyon ang app hinggil sa mga jeep, linya ng tren, UV express, point-to-point bus, at maging sa Pasig River ferry.

Tinatantiya rin ng app ang oras ng biyahe at halaga ng pamasahe.

Maaari ring baguhin ang settings para tanggalin ang isang mode of transportation.

"May tinatawag kaming mga mode preference, for example, nagkaroon ng problema ang MRT, puwedeng mong i-set dito na gusto kong iwasan ang MRT," ani Philip Cheang, co-founder ng Sakay.ph.

Kahit walang data pero may Facebook account ay maaari pa rin itong mabuksan.

"Mayroon kaming partnership with Facebook's free basics so bale pupunta ka doon sa website nila tapos makakapag-search ka na ng Sakay, tapos libre siya," ani Roderick Tan, co-founder ng Sakay.ph.

Maari ring mag-iwan ng komento kung mali o hindi kaaya-aya ang rutang itinuro. 

Libre ang pag-download ng app sa mga Apple o android phones.

Maaari rin itong i-access sa anumang browser maski desktop sa pamamagitan ng website na https://sakay.ph/

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.