MAYNILA (UPDATE) — Patay ang 3 mag-iina matapos hindi makalabas sa nasunog nilang bahay sa Pasay City nitong umaga ng Martes, ayon sa mga awtoridad.
Nangyari umano ang sunog sa Barangay 117 bandang alas-9:50 ng umaga at inabot nang isang oras bago tuluyang naapula.
Nang pasukin umano ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Pasay ang bahay, tumambad ang mga bangkay ng 29 anyos na ina, at mga anak niyang may mga edad 5 at 2.
Ayon sa padre de pamilyang si Garry Rivas, iniwan niya ang misis at mga anak noong gabi ng Lunes para maghanap ng trabaho.
Hindi umano niya inakalang iyon na ang huling pagsasama nila.
"Umuwi ako pagod na pagod. Wala pa 'kong tulog [tapos] ganyan po nadatnan ko. Para sa akin, napakasakit po," ani Rivas.
Nagpaabot na ng tulong pinansiyal ang city government ng Pasay sa 6 pamilyang apektado ng sunog. Inihahanda na rin umano ang burial assistance sa mag-iina.
— Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.