PatrolPH

Teenager nailigtas sa pangho-hostage ng ama sa Tandag City

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2021 11:45 AM | Updated as of Feb 21 2021 12:58 PM

Teenager nailigtas sa pangho-hostage ng ama sa Tandag City 1
Nailigtas ng mga awtoridad ang isang 13 taong gulang na lalaki na hinostage ng ama nito sa Tandag City, Surigao del Sur. Retrato mula kay Governor Alexander Pimentel

Isang 13 taong gulang na lalaki ang nasagip ng mga awtoridad matapos i-hostage ng kaniyang ama sa Tandag City, Surigao del Sur, gabi ng Sabado.

Kasama sa mga tumulong para masagip ang binatilyo ay si Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel.

Ani Pimentel, dating pulis ang nang-hostage at anak ito ng kaniyang dating bodyguard, kaya kilala raw niya ang pamilya.

Problema sa pamilya ang sinasabing dahilan ng pangho-hostage.

"Nag-away iyan sila ng asawa niya at ginulpi niya ata ang asawa niya pati 'yong anak niya. Kaya lumayas 'yong asawa niya at hinostage niya ngayon ['yong anak]," sabi ni Pimentel sa panayam sa telepono ng ABS-CBN News.

"Una, namatay 'yong isang anak niya, 'yong babae kasi na-dengue. Tapos siya ang sinisisi ng pamilya at ng buong in-laws niya. Ta's ngayon, away na naman," dagdag ng gobernador.

Nakipag-usap kalaunan ang hostage-taker kay Pimentel kaya nai-turn ang anak sa opisyal.

Agad namang dinala ni Pimentel ang binatilyo sa police station para ibigay sa ina.

Taong 2013 nang mang-hostage din ang suspek ng kapamilya, ani Pimentel.

Tiniyak ng gobernador na babalikan ang hostage taker ngayong Linggo.

-- Ulat ni Charmane Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.