PatrolPH

Ilan sa bagong COVID-19 cases sa Pasay, dinala na sa isolation facility

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2021 04:38 PM | Updated as of Feb 21 2021 08:07 PM

Ilan sa bagong COVID-19 cases sa Pasay, dinala na sa isolation facility 1
Isa ang Barangay 71 sa mga barangay ng Pasay na isinailalim sa lockdown hanggang Marso 5 dahil sa pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19. ABS-CBN News

Abala ngayon si Niña Golisao sa pagpapadala ng mga pangangailangan ng kaniyang mga kamag-anak, na dinala sa isolation facility sa Pasay City matapos magpositibo sa COVID-19.

Sa compound nina Golisao naitala ang 16 na bagong kaso ng sakit sa Barangay 118, na isinailalim sa lockdown ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Golisao, na isang medical technologist sa ospital, isa-isang nagkaroon ng ubo at lagnat, at nawalan ng panlasa ang kaniyang mga kamag-anak.

“So sabi ko baka COVID. So kinontain ko na sila. Wala nang lalabas. Sabi ko mag-mask na lahat at face shield. ‘Pag punta ko rito, sa bubong na ako tumira,” ani Golisao.

“Sixteen members of my family tested positive,” aniya.

Bukod sa pagdadala sa mga nagpositibo sa isolation facility, hinigpitan na rin ang paglabas-masok ng mga residente sa lugar.

Tanging mga nagtatrabaho at bibili ng essential items lang ang papayagan lumabas.

“Sabi ko sa mga kagawad ko wala munang lalabas na mga senior at mga bata,” sabi ni Alfredo Cabrera, chairperson ng Barangay 118. 

“Everyday kami nagdi-disinfect... bawal muna mga bisita sa lahat ng area sa Barangay 118 [for 14 days],” sabi naman ng kagawad na si Jericho Felix.

Watch more on iWantTFC

Nasa 33 barangay at isang business establishment ang isinailalim sa lockdown sa Pasay City hanggang Marso 5 dahil sa biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Kasama rin dito ang Barangay 71, na nakapagtala ng 9 na bagong kaso.

Lahat ng kanilang active cases ay magkakapamilya at asymptomatic o walang sintomas ng sakit.

Nalaman lang na positibo ang index case—na isang buntis—matapos itong magpa-swab test bilang requirement bago manganak.

“Nag-positive si buntis. Pina-swab ang family niya, nag-positive po. Out of 8 members ng family niya, isa lang negative,” ani Barangay 71 Secretary Angelie Bernardo.

“Na-pull out na sila. Nasa facility na sila. Bale naiwan lang si buntis at ang bata kasi bawal sa facility,” ani Bernardo.

Bantay-sarado ngayon sa mga barangay official ang mga pumupunta sa lugar.

Bawal din muna ang mga bisita.

Kapag may nagpapa-deliver, sa labas ng gate ng barangay langito pinaiiwan.

Ngayong mula sa iisang bahay lang ang karamihan sa mga nagpopositibo, naniniwala ang barangay na mahalaga pa rin ang testing at lalo na ang pagbabakuna kontra COVID-19.

“Sa bakuna, priority namin ang mga senior. Mostly naman nag-yes sila. Ine-encourage ko rin sila [na magpabakuna],” ani Bernardo.

Hati naman ang reaksiyon ng mga taga-Pasay sa panukalang luwagan sa modified general community quarantine ang Metro Manila. 

Samantala, nagpatupad din ng lockdown sa isang compound sa Barangay Sipac Almacen sa Navotas City, kung saan nakapagtala ng 22 bagong kaso ng COVID-19.

– Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.