PatrolPH

'Drug pushers di makilala dahil sa face mask'

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2021 12:48 PM

Patuloy ang bentahan ng ilegal na droga sa Lanao del Norte dahil hindi agad natutukoy ng mga awtoridad ang mga tulak bunsod ng pagsusuot nila ng mga face mask, sabi ng isang opisyal mula sa lokal na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

"Dahil sa sinusuot nating mask [at] face shield, mas naitatago nila ang kanilang identity. Nakadagdag ito sa kanilang lakas ng loob para i-transact at ibiyahe ang illegal na droga," ani PDEA-Lanao del Norte Assistant Provincial Officer Neil Pabilona.

Kasunod ito ng buy-bust operation at raid sa drug den na nangyari gabi ng Sabado sa Iligan City, kung saan 8 suspek ang naaresto.

Inamin ng target ng buy-bust operation na galing pang Marawi City ang supply niya ng droga.

Nakuha sa suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Ayon kay Pabilona, posible ring magkahawahan ng COVID-19 ang mga parokyano ng sinalakay nilang drug den dahil magkakalapit ang mga suspek, hindi nakasuot ng mask, at nagsasalo sa iisang drug paraphernalia.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang target ng operasyon.

Pinagpapasyahan pa ng mga awtoridad kung isasama sa mga kakasuhan ang mga nahuli sa drug den, na sasailalim sa drug test. 

-- Ulat ni Roxanne Arevalo

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.