PatrolPH

3 lalaki patay sa magkahiwalay na motorcycle accident sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2021 07:55 PM

3 lalaki patay sa magkahiwalay na motorcycle accident sa Iloilo 1
Kuha ng Tubungan PNP

TUBUNGAN, Iloilo — Patay ang dalawang lalaki habang sugatan naman ang isa matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang puno sa bayan na ito Sabado ng gabi.

Nakilala ang mga namatay na sina Emmanuel Doquito drayber ng motorsiklo, at isang menor de edad. Nasugatan naman si Ramel Gange, 21, residente ng nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon ng Tubungan PNP, papunta ang mga biktima sa isang birthday party nang mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa puno ng langka.

Sa lakas nang pagkabangga, nasawi agad ang dalawa. 

Kaagad naman dinala sa ospital si Gange, na nasa stable na ang kalagayan.

Hindi nabanggit ang dahilan bakit bumangga sa puno ang motorsiklo na kanilang sinasakyan.

Isang menor de edad din ang nasawi matapos bumangga ang kaniyang sinasakyang motorsiklo sa isang truck sa bayan ng Dingle.

Ayon sa imbestigasyon ng Dingle PNP, papauwi na sana sa kanilang bahay ang biktima nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa nakaparadang trak sa gilid ng kalsada na may karga na tubo.

Napagalaman na flat ang gulong ng nasabing trak kaya nakaparada ito sa gilid ng daan, ngunit dahil sa madilim ang lugar ay hindi ito napansin ng biktima.

Sa lakas ng pagbangga ay nagkalasog-lasog ang katawan ng biktima.

Sinubukan pang dalhin ang biktima sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

—Ulat ni Rolen Escaniel

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.