Maguindanao prosecutor, 2 iba pa sugatan sa pananambang sa Cotabato

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 06:57 PM

Sugatan ang isang prosecutor ng Maguindanao at 2 niyang kasama sa pananambang ng mga hindi pa tukoy na salarin sa isang subdivision sa Cotabato City nitong Biyernes, Peb. 21, 2020. Lore Mae Andong, ABS-CBN News

COTABATO CITY - Sugatan ang isang prosecutor ng Maguindanao at 2 niyang kasama matapos silang tambangan ng mga hindi pa tukoy na salarin sa isang subdivision sa Barangay Rosary Heights 11 sa lungsod na ito Biyernes ng hapon.

Kinilala ang prosecutor na si Tukod Ronda, samantalang ang dalawa niyang kasama ay ang kaniyang mga kamag-anak na sina Abultaya Ronda at Nestor Ronda.

Kuwento ng isang residente ng Federville Subdivision, dumaan ang sasakyan ng mga biktima sa kanila nang biglang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril.

"Tumakbo kami. Nagtago diyan sa may bodega, kasi 'yung salamin ng sasakyan nila tumatagos na ang bala," ani Edmond Jalandoni, residente.

Agad isinugod sa ospital ang mga biktima gamit din ang van na sinakyan nila.

Ayon kay Police Capt. Rustum Pastolero, hepe ng Cotabato City - Police Station 2, inabangan umano ang mga biktima ng mga suspek na nakasakay sa isang puting SUV.

"Ayon sa mga bystander, nakaputing Innova 'yung mga suspek," aniya.

Baka may kinalaman sa trabaho ng prosecutor ang pananambang, ayon kay Pastolero.

"Ayon sa mga investigator, sinabi ni Fiscal (Tukod Ronda) na sa trabaho siguro kasi wala naman daw siyang ibang kalaban," aniya.

Narekober sa crime scene ang 28 basyo ng bala, na ayon sa pulisya ay mula sa isang M16 rifle.

Patuloy pa ang imbestigasyon hinggil sa nangyaring krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.