Magnanakaw patay sa engkwentro sa Payatas; 2 pulis sugatan

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 05:54 AM

Patay ang isa umanong magnanakaw at sugatan naman ang 2 pulis sa isang engkwentro Biyernes ng madaling-araw sa Barangay Payatas B, Quezon City.

Ayon sa paunang ulat ni Police Staff Sgt. Jonathan Lugo ng Quezon City Police District Station 6, isang residente sa Santo Niño St. ang nag-ulat na may dalawang lalaking sinusubukan na manloob sa kanilang bahay. 

Nakatakas ang isang magnanakaw at ang isa naman ay naabutan ng pulis. Imbes na sumuko, sinaksak niya ang dalawang pulis at doon pinaputukan ang magnanakaw.

Sugatan sa kamay at hita si Police Capt. John Versoza habang may galos naman sa mukha si Police Cpl. Rocky Opiana. 

Wala pang pagkakakilanlan ang napatay na suspek at iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente. Tinutugis na rin nila ang nakatakas na suspek.-Ulat nina Lyza Aquino at Jervis Manahan, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.