Dokyu ng PCOO tungkol sa war on drugs, ibinida sa Belgium

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 11:09 AM | Updated as of Feb 21 2020 11:18 AM

Dinepensahan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang kampanya kontra droga sa international community. 

Sa naging pulong na dinaluhan ni Communications Secretary Martin Andanar kasama ang ilang taga Philippine embassy sa Brussels, Belgium, ibinida ng kalihim ang dokumentaryong "Gramo" na nagkukuwento ng umano'y totoong realidad ng drug war sa bansa. 

Ayon sa PCOO, layunin ng pagpapakita ng nasabing dokumentaryo na labanan ang mga maling pananaw ng international community sa war on drugs ng Duterte administration at maipaliwanag rin ang dahilan kung bakit kailangan gawin ito ng gobyerno. 

Sa mensahe ni Andanar, sinabi nitong mahalagang mapanood ng international community ang dokumentaryo dahil ang problema ng droga ay hindi lang aniya limitado sa Pilipinas, kundi apektado at kaugnay rin sa mga aktibidad sa ibang mga bansa. 

Dagdag pa nito, ang pagtugon sa problema ng droga ay isang responsibilidad na inaako ng gobyerno katuwang ng ibang mga bansa. 

Tinanggap naman at nagpahayag umano ng suporta ang Belgium community sa nasabing dokumentaryo, ayon sa PCOO. Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News