Babaeng nakakulimbat umano ng P50M sa investment scam timbog

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 05:43 PM

DAGUPAN CITY, Pangasinan — Matapos ang 2 taong pagtatago, natunton sa Angeles City, Pampanga ang 24 anyos na si Sharmaine Castillo na wanted sa reklamong estafa.
 
Reklamo ng isa sa mga nagsampa ng kaso, kinaibigan daw sila sa social media ni Castillo para maging online seller ng beauty products.

Maayos daw ang mga una nilang transaksiyon hanggang alukin silang mag-invest ng pera sa negosyong kikita umano nang malaki.
 
"Basicaly magsusuplay kami ng boxes sa mga company... In 10 days magiging pera na siya... Since wala siyang pampuhunan kukuha siya sa amin ng pampuhunan," ani Emebelle Franco.
 
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Dagupan, hindi bababa sa 100 ang naloko ng suspek sa iba’t ibang lugar at tinatayang aabot ng P50 milyon ang kaniyang natangay.

Tumangging magsalita si Castillo na kinasuhan ng estafa na may piyansang P1.5 milyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.