Target ng buy-bust, patay sa shootout sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 10:28 AM

Bukod sa limang sachet ng hinihinalang shabu, nakuha rin sa subject ng buy-bust operation ang isang kalibre .38 na revolver sa Davao City.

DAVAO CITY - Dead on arrival sa pagamutan ang 29-anyos na lalaki matapos manlaban sa ikinasang buy-bust operation, Huwebes ng madaling araw sa Dacudao Avenue, Barangay Paciano.

Ayon sa pulisya, agad na bumunot ng bari ang suspek na si Paolo Mijares at ipinutok nang makatunog na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nakaganti naman ang mga operatiba at nabaril sa dibdib ang suspek.

Narekober sa lugar ang isang baril at 5 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P3,000.

Sa imbestigasyon ng Santa Ana Police, napag-alamang may police record umano ang suspek hindi lamang sa Davao, kundi maging sa Bislig sa Surigao del Sur at Cebu.

Kamakailangan lang ay nakunan umano ng CCTV ang suspek na nagnanakaw ng pitaka sa isang mall sa lungsod.

Makikita umanong walang kamalay-malay ang nakatalikod na biktimang babae na kinukuha ang kaniyang pitaka mula sa bag.

Sa ibang insidente naman, nahagip din siya ng CCTV habang pa-simpleng kinuha ang cellphone mula sa bag ng isang babae sa isang fast food chain.

Kakalaya lang umano ni Mijares noong Enero sa kasong illegal drugs mula nang makulong taong 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.