'Mga nag-aambag sa PhilHealth may dagdag-benepisyo sa UHC'

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May karagdagang benepisyong matatanggap ang mga contributor ng PhilHealth sa pagsasabatas ng universal health care law, ayon sa Deparment of Health. 

Kaakibat kasi ng batas ang pagkakaroon ng PhilHealth membership sa lahat ng Pilipino. 

Sa ilalim ng bagong batas, hahatiin ang membership ng PhilHealth sa dalawang klaseng contributor, na kung tawagin ay direct o ang mga may kakayahang maghulog ng kontribusyon, at indirect o ang mga walang kapasidad maghulog ng kontribusyon. 

Sa pondo ng gobyerno manggagaling ang kontribusyon ng mga indirect contributor. 

Bagaman pabor ang PhilHealth contributor na si Precious Briones, nakaramdam siya ng alinlangan sa batas. 

“Okay siya, kaso parang unfair na parehas kami libre pero ako nagbibigay ng contribution,” aniya. 

Pero ayon kay Roy Ferrer, acting president ng PhilHealth, wala dapat ipangamba ang mga may kakayahang maghulog sapagkat may dagdag-benepisyo silang matatanggap. 

"'Yung direct contributor, subject to availability of funds 'yung amenities that will be afforded to those paying the premiums," ani Ferrer. 

Iginiit din Ferrer na kailangan ang pondo para mapanatili ang kompanya. 

Kabilang sa benepisyo ang mga gamot na kinakailangan ng mga maintenance, ayon kay Health Secretary Francisco Duque. 

“'Yung ililibre natin ang anti-hypertensive, anti-diabetes and anti-cholesterol medicines. Sila ang makikinabang sa mga promotive disease prevention and health promotion intervention, plus of course medication for minor illnesses,” ani Duque. 

Muling ipinaalala ni Duque na gagawin pa lang ang implementing rules and regulations ng batas kaya dapat maunawaan ng publiko na hindi agad ito mararamdaman. 

Handa naman daw makipagtulungan ang mga pribadong ospital sa pamahalaan sa paggawa ng IRR ng batas. 

Ayon sa pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc., hindi dapat maapektuhan ng batas ang kita ng mga ospital. 

“They have to make sure private owned medical institutions won't be left out of the IRR, wherein they should be paid on time, and government won't mandate them to get unnecessary permits,” ani PHAPI president Rustico Jimenez. 

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.